PLFI at 14: Empowerment
Nagdaos ng serye ng mga aktibidad ang Pasig Livelihood Foundation Inc. (PLFI) sa pangunguna ng pinuno nito na si Gng. Maribel A. Eusebio, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-14 na taong anibersaryo nito.

Binigyan ng PLFI ng pagkakataon ang mga graduates nito upang makasalamuha at makipagpalitan ng success stories sa kanilang mga dating kaklase sa idinaos na 1st Alumni Homecoming noong Oktubre 10 sa Pasig Livelihood Center. Nanguna si PLFI Founding Chair Gng. Soledad C. Eusebio sa pakikipagkamustahan at sa paggunita sa pagyabong ng foundation sa paglipas ng mga taon.
Kasabay din nito ang pagdaraos ng raffle, palaro at libreng serbisyo sa reflexology, paggupit at pagmamanicure, at pagkukumpuni ng mga cell phones.
Samantala, ginanap ang Serbisyo Eusebio Medical Mission sa Pasig Livelihood Center noong Oktubre 11 bilang pakikibahagi sa anibersaryo ng PLFI. Pinangunahan ni Councilor Bobby C. Eusebio ang pamamahagi ng gamot at pagbibigay ng libreng konsultasyon at check-up para sa mga PLFI trainees at sa kanilang pamilya. Nagkaroon din ng libreng gupit at free reflexology massage.
Kasunod nito ay idinaos ang taunang PLFI Mini-skills Competition na nagbigay pagkakataon sa mga trainees na ipamalas ang kanilang kakayahan at kahandan sa napili nilang kurso. Nagkaloob ng papremyo sina Mayor Vicente Eusebio at Ma’am Soledad Eusebio habang sagot naman ni Vice-Mayor Yoyong Martirez ang mga medalya.
Namahagi naman ang PLFI noong ding hapong iyon ng 20 food carts, apat na sewing machines, tatlong cosmetology kits, dalawang oven at isang cash loan sa 30 Loan Assistance Program beneficiaries mula sa 14 na barangay ng lungsod.
Natapos ang selebrasyon sa anibersaryo ng PLFI sa pagdaos ng 20th Certification Day na ginanap noong Oktubre 13 sa Pasig City Convention Center kung saan 616 na mag-aaral ang pormal na nagtapos. Naging panauhing pangdangal sina Mayor Enteng Eusebio, Gng. Soledad Eusebio at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) NCR Director Gabriel Bordado V at TESDA Pamamarisan OIC Ms. Lourdes Villanueva.
Pinangunahan nina Dating Mayora at PLFI Founding Chairperson Gng. Soledad Eusebio at ng kasalukuyang PLFI Chairperson Gng. Maribel A. Eusebio ang ginawang blessing sa mga food carts na ipinamahagi sa ilalim ng programang Livelihood on Wheels ng PLFI.
Ipinamahagi ni Pasig Livlihood Foundation Inc. (PLFI) Chairperson Mrs. Maribel A. Eusebio ang husay ng mga trainees ng kursong Cosmetology nang dumalaw ang pamosong stylist na si Ricky Reyes sa Pasig Livelihood Center nitong Agosto. Magkasama rin sina Gng. Eusebio at Reyes sa pagdalaw sa Eusebio High School at Rizal High School para sa Ricky Reyes Campus Tour, isang proyekto ng Metro Manila Mayor’s Spouses Association.